Makulit nga at Mapagtanong…

Totoo ba ‘to?

Nangyayari nga ba ‘to?

Sino ba ako para mangyari ito sa akin?

Ilan lang ang mga ito sa walang humpay na umiikot na mga tanong sa aking isipan noong gabing iyon. Oo. Setyembre 1, 2011. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay!

Hindi mailarawan ng husto ang aking naramdaman. Sa ngayon, tanging pasasalamat na lamang ang aking alay sa lahat ng gumabay at sumuporta sa akin tungo sa pagkamit ng tagumpay na ito. Hindi ko na ililista. Katunayan, kung sino man ang nagbabasa nito ngayon, tanggapin mo na ang pasasalamat na aking alay. Suporta na para sa akin ang iyong pagbabasa.

At heto na nga siya! Ang aking munting sanaysay~! Dahil sa ngayon ay hindi pa siya nailalagay sa opisyal na website ng Palanca, dito muna siya mananahan sa aking blog. Ngayon ko lang tunay na naisipang gawin ito dahil ngayon ko lang din naramdaman na handa na akong ipabasa itong sanaysay na ito sa inyo :)

Siguraduhing mag-iwan ng kumento o mensahe rito pagkatapos magbasa! Maraming salamat! :D

Author:Mary Amie Gelina E. Dumatol (University of the Philippines – Manila)
Title:Ang Makulit, ang Mapagtanong, at ang Mundo ng Kasagutan
Year:2011
Category:Kabataan Sanaysay
Award:First Prize

Sabi ng mga kaibigan ko, makulit daw ako. Sabi ko naman, ako ay sadyang mapagtanong lang. Magkaiba ang makulit sa mapagtanong. Ang makulit ay walang napapala kung hindi ang magpainit ng ulo ng ibang tao, habang ang mapagtanong ay nakatatanggap ng bagong kaalaman at pagkaunawa.

“Ano ba ‘yun?” “Kailangan ba talaga ‘yun?” “Bakit ganoon ang naging katapusan?” “Paano ‘yun nangyari?” “Ano pa bang kailangang gawin?” “Sino ang gagawa?” “Saan ‘yun makikita?” “Hanggang kailan mananatiling ganito?” “Siguardo ka ba d’yan?”

Oo, mapagtanong ako, pero tila tama rin pala ang aking mga kaibigan. Sa mga pagkakataong sumosobra na ang aking pagtatanong, hindi ko namamalayan na nagiging makulit na pala ako. Heto nga at umiinit na ang ulo ng aking minalas na kaibigan. Bakas sa kaniyang mukha ang kahanga-hangang pagtitimpi at bagamat inaasahan kong anumang oras ay bibigay na siya at sisigawan ako, sa huli ay pinilit na lamang niyang ngumiti at makiusap, “I-Google mo na lang ‘yan.”

Nang makauwi, agad-agad akong umupo sa harap ng computer at binuksan ko nga ang naturang web search engine. Walang partikular na kaaya-aya tungkol sa lumitaw sa aking web browser. Nasa gitna ang malaki at makulay na mga titik ng kaniyang pangalan. Sa ilalaim naman nito ay isang mahabang patlang, naghihintay na mapunan. Simple lang ang representasyon at simple lang din ang kailangang gawin upang mapakinabangan ito.

I-Google ko raw ang lahat ng mga katanungan ko. Sige, masubukan nga. Tingnan natin kung kakayanin ng Google na ito ang aking pagiging makulit – este, mapagtanong pala.

Matapos ang ilang tangka ng pagtatanong, naiwan akong nagtataka at humahanga. Sa bawat katanungang ilagay ko sa mahiwagang patlang, laging may nakahandang sagot itong Google. Kaunting type lang, tapos isang pindot. Tada! Lilitaw na kaagad ang mga kasagutan. Ganoon lamang kadali. Ganoon lamang kabilis.Tama nga marahil ang ipinagmamalaki ng Google: Sinusuwerte ako.

            Pero, kung suwerte ang hatid sa akin ng Google na siyang nagbigay ng mga sagot sa ilan sa aking mga katanungan, malas naman ang idinulot ko sa aking sarili. Panahon pa kasi ng ­dial-up modem noon. Ibig sabihin, sa tuwing gagamit ng Internet, hindi maaaring tumawag o matawagan gamit ang telepono. Kaya naman, may nakalaan lamang na ilang oras para sa aking paggamit nito araw-araw. Ngunit, sa unang pagkakataon, tila lubha akong naaliw sa search engine na ito. Nang madiskubre na hindi lamang pala para sa mga takdang-aralin ang impormasyong kaya nitong ibigay, mabilis na lumipas ang oras habang patuloy kong sinusubok ang Google laban sa aking napakahabang listahan ng mga tanong. Nagulat na lamang ako nang pumasok ng kuwarto si Mommy na tila mainit ang ulo.

“Kaya naman pala hindi matawagan!”

“Tumawag po ba kayo?” Hindi na kailangan ng Google upang malaman ang sagot sa katanungan na ito. Saglit kong inalis ang aking atensyon sa monitor at tinignan ang aking ina. Taglay ng kaniyang ekspresiyon ang lahat ng sagot na kailangan ko. Kaya naman, agad kong pinutol ang koneksyon sa Internet. Ayan. Magagamit na ang telepono! At wala pang sampung segundo matapos ang pagkawala ng koneksyon sa Internet, tumunog na nga ang aming telepono. May tumatawag. At marahil, tulad ni Mommy, kanina pa niya sinusubukang gawin iyon.

Lumipas ang ilang taon. Naimbento na ang DSL (digital subscriber line) at ang broadband Internet. At may WiFi na rin! Hindi na kailangan problemahin ang limitadong oras ng paggamit. Hindi na naaapektuhan ang linya ng telepono sa tuwing gagamit ng Internet. Tunay na malayo na ang narating nito mula noong una itong nalikha.

Mabisa at mabilis na ugnayan at komunikasyon – Ito ang pangunahing nilayon na matamo nang nilikha ang Internet na noong una ay para lamang dapat sa mga alagad ng agham at militar, ngunit nang maglaon ay para na sa lahat. Katunayan, naging masyadong mahusay ang Internet. Hindi lamang mabisa at mabilis na ugnayan at komunikasyon ang alay nito sa atin, kung hindi isang bagong mundo, ang tinatawag na cyberspace.  

Ngunit, minsan na akong nagtaka. Sa madaling salita, umiral nanaman ang aking pagiging mapagtanong. Hindi ba’t sa pagsusumikap na maghatid ng bisa at bilis, higit pang humirap ang mga hakbang tungo sa ugnayan at komunikasyon? Hindi ba’t sa ating labis na pamamalagi sa cyberspace, tila pinuputol natin ang ating ugnayan sa katotohanan, sa mundong tunay nating kinabibilangan?

Marahil ay nasanay na ako kaya agad kong kinunsulta ang Google. Tulad ng dati, hindi naman ako nabigo. Marami akong nakuhang iba’t ibang paliwanag tungkol sa Internet bilang midyum ng ugnayan at komunikasyon, ngunit nauwi ang lahat sa iisang konklusyon: na hindi maikakaila ang malaking tulong at benepisyong makukuha mula sa paggamit ng Internet.

Hindi ko magawang maging masaya sa sagot na ito. Kaya naman, nagbukas ako ng maraming window at sabay-sabay na isinabak ang aking mga katanungan sa search engine. Nagawa ko lang tumigil nang maramdaman ko ang pangangalabit ng aking kapatid. Nakasimangot na siya, wari ay kanina pa sinusubukang mahuha ang aking atensyon. “Kanina ka pa tinatawag ni Mommy!”

Sa sandaling iyon, ako na rin mismo ang nakatuklas sa sagot sa aking mga katanungan.

Ako ay sadyang mapagtanong. At marahil, dahil walang katiyakan ang takbo ng buhay, marami pang ibang tao ang nagiging mapagtanong. Sila ay nagtatanong sa kagustuhang makakuha ng kahit kaunting pahiwatig sa kung ano ang haharapin at pagdaraanan. Sila ay nagtatanong sa kagustuhang maunawan ang mga kinahinatnan. Sila ay nagtatanong sa kagustuhang  malaman kung ano ang magagawa upang mabago ang kapalaran.

Kaya naman, habang patuloy na dumarami ang mga katanungan ukol sa bagay-bagay, tila isang biyaya ang pagkakaroon ng isang batis na siyang maghahatid ng mga inaasam na mga kasagutan sa isang madali at mabilis na paraan. Nahanap ko at ng aking mga kapwa magpagtanong ang batis na ito sa anyo ng Google at iba pang mga search engine.Walang kahirap-hirap. Isang pindot lang, nariyan na ang mga sagot. Isang pindot lang, abot mo na ang mundo.

Abot mo na ang mundo ng cyberspace. Tumagal ng tumagal ang aking pamamalagi sa mundong ito habang patuloy akong humahanga sa taglay niyang hiwaga. Basta’t may koneksyon sa Internet, kayang-kaya kong manatili ng buong araw sa harap ng computer. Sa isip ko, puro pakinabang ang aking makukuha, tulad na lamang ng madali at mabilis na paghahatid ng mga impormasyong kailangan. Lingid sa aking kaalaman, sa patuloy kong paggamit sa Internet, dito na lamang ako umaasa para sa lahat ng sagot at solusyon sa mga tanong at problemang bumabagabag sa akin. Tila isinara ko na ang sarili ko sa anumang kasagutang alok ng totoong buhay sa mundo ng katotohanan. Mas pinili ko na ang manirahan sa mundo ng cyberspace.

Ngunit, hindi cyberspace ang mundo ng kasagutan. Oo, may mga impormasyong taglay ito na ating maaaring makuha sa isang madali at mabilis na paraan, ngunit hindi ito ang ating tunay na kailangan.

Ang hindi natin alam, o marahil ang alam nga natin ngunit ayaw naman tanggapin, ay mas mahalaga ang proseso ng paghahanap para sa mga kasagutan kung ikukumpara sa kasagutan mismo. Sa pagdating ng mga pagsubok sa buhay, totoong hindi natin maiiwasan ang pagkakaroon ng pag-aalinlangan tungkol sa nangyayari sa ating sarili at sa mundong ating kinagagalawan. Walang kasiguraduhan ang mga bagay. Wala tayong nauunawaan, samantalang naiipon na ang mga tanong sa ating isipan.

Tama lamang na maging mapagtanong. Ngunit, hindi dapat natatapos sa simpleng pagbubuo ng mga tanong sa isip. Kailangan nating kumilos upang makamit ang mga kasagutan. Tayo ay hindi lamang dapat umaasa sa alok ng Google. Ang totoong mga kasagutan ay hindi natin makukuha matapos lamang ang isang pindot, bagkus ay pinaghihirapan at pinagsisikapan. Tayo mismo ang dapat humarap sa mga pagsubok ng buhay. Sa paraan lamang na ito tayo tunay na matututo at hindi magtatagal, kusa na nating makakamit ang mga pinananabikang kasagutan.

Sabi ng mga kaibigan ko, makulit daw ako. Sabi ko naman, ako ay sadyang mapagtanong lang. Bakit ba lagi na lang akong napagsasabihang makulit? Makulit nga ba ako?

Hindi ko na susubukang i-Google ang mga tanong ko. Hindi na ako mag-aaksaya ng oras na paikot-ikot sa mundo ng cyberspace. Wala roon ang mga sagot.

Sa halip, igugugol ko na lamang ang oras ko sa pagharap sa buhay, maging anumang hirap o pagsubok ang kaakibat nito. Ito ang mundo ng katotohanan. Ito ang mundo ng kasagutan.